📖 Mga Awit 95
-
1
Oh magsiparito kayo, tayo'y magsiawit sa Panginoon: tayo'y magkaingay na may kagalakan sa malaking bato na ating kaligtasan.
-
2
Tayo'y magsiharap sa kaniyang harapan na may pagpapasalamat, tayo'y magkaingay na may kagalakan sa kaniya na may mga pagaawitan.
-
3
Sapagka't ang Panginoon ay dakilang Dios, at dakilang Hari sa lahat ng mga dios,
-
4
Na sa kaniyang kamay ang mga malalim na dako ng lupa, ang mga kataasan ng mga bundok ay kaniya rin.
-
5
Ang dagat ay kaniya, at kaniyang ginawa: at ang kaniyang mga kamay ay lumikha ng tuyong lupa.
-
6
Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.
-
7
Sapagka't siya'y ating Dios, at tayo'y bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, kung inyong didinggin ang kaniyang tinig!
-
8
Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba, gaya sa kaarawan ng Masa sa ilang:
-
9
Nang tuksuhin ako ng inyong mga magulang, tinikman ako, at nakita ang gawa ko.
-
10
Apat na pung taong namanglaw ako sa lahing yaon, at aking sinabi, Bayan na nagkakamali sa kanilang puso. At hindi naalaman ang aking mga daan:
-
11
Kaya't ako'y sumumpa sa aking poot, na sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.