📖 Mga Awit 107
-
1
Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
-
2
Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway;
-
3
At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan.
-
4
Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan.
-
5
Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila.
-
6
Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
-
7
Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan.
-
8
Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
-
9
Sapagka't kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.
-
10
Ang gayong tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw;
-
11
Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan:
-
12
Kaya't kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap; sila'y nangabuwal, at walang sumaklolo.
-
13
Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
-
14
Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali.
-
15
Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
-
16
Sapagka't kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso, at pinutol ang mga halang na bakal.
-
17
Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati.
-
18
Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain; at sila'y nagsisilapit sa mga pintuan ng kamatayan,
-
19
Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
-
20
Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.
-
21
Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
-
22
At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.
-
23
Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig;
-
24
Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.
-
25
Sapagka't siya'y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon.
-
26
Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan.
-
27
Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala.
-
28
Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan.
-
29
Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik.
-
30
Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.
-
31
Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
-
32
Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.
-
33
Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal:
-
34
Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.
-
35
Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain.
-
36
At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;
-
37
At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang.
-
38
Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.
-
39
Muli, sila'y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.
-
40
Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.
-
41
Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.
-
42
Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.
-
43
Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.